Panahon na upang magbago ang tingin ng publiko sa hanay ng Philippine National Police (PNP) at ibalik ang magandang imahe nito.
Iyan ang naging hamon ni DILG Sec. Eduardo Año sa PNP kasabay ng pagdiriwang ng kanilang ika-119 na anibersaryo ng police service kahapon.
Ayon sa kalihim, kailangang magdoble kayod ang PNP para linisin ang hanay nito mula sa mga tiwali na siya rin namang nagbibigay ng masamang imahe sa kanilang hanay.
Una nang ipinagmalaki ni PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa ang mas pinaigting na internal cleansing sa kanilang hanay gayundin ang kampaniya kontra droga sa harap ng COVID-19 pandemic.
Hinikayat din ni Año ang mga pulis na gampanan lang ang kanilang tungkulin ng may katapatan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bawat komunidad.