Pinakikilos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde ang lahat ng police units sa bansa para tugisin ang mga napalayang convict sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ito’y kasunod ng ibinigay na ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naturang bilanggo para isuko ang kanilang sarili.
Ayon kay Albayalde, bumuo na sila ng tracker team na itatalaga para hanapin ang mga convicts na itatratong fugitives kapag hindi sila sumuko sa loob ng ultimatum na ibinigay ng pangulo.
Dahil dito maaari na ring arestuhin ang mga convicts sa ilalim ng warrantless arrest para sa mga fugitive sa batas.
Kasabay nito, inutusan na rin aniya ni Albayalde na magsagawa ng “accounting” sa 1,700 convicts na napalaya sa bisa ng GCTA.