Planong imbestigahan ng Commission on Human Rights ang posibleng paglabag ng Philippine National Police sa pag-aresto sa isang doktor na inakusahang miyembro ng Communist Party of the Philippines.
Nagpadala na ang CHR ng Quick Response Team sa NCR at Caraga bilang bahagi ng motu proprio investigation sa posibleng paglabag ng PNP sa rules of procedure.
Tinukoy ng komisyon ang pag-aresto ng pulisya kay Dr. Maria Natividad Castro, noong Biyernes sa pamamagitan ng warrant na inisyu ng Regional Trial Court ng Bayugan City, Agusan Del Sur noong January 30, 2020 dahil sa umano’y kidnapping at serious illegal detention.
Samantala, nababahala naman ang grupong free legal assistance group o FLAG sa kinaroroonan ni Castro.
Ayon sa FLAG, humingi sila ng access para makita si Castro sa intelligence group ng PNP sa camp crame kung saan iniulat na dito ito dinala at ikinulong.
Gayunman, kahit anila ang kapatid ng doktor at ang isa pang abogado ay hindi pinayagang makita si Castro.