Pumayag na ang PNP o Philippine National Police sa hiling ng CHR o Commission on Human Rights na masilip ang case folder ng mga napatay sa war on drugs ng gobyerno simula noong May 10, 2016.
Kasunod na rin ito ng dalawang oras na pag-uusap sa Camp Crame ng liderato ng PNP at CHR.
Ayon kay CHR Chair Chito Gascon rerepasuhin nila ang lahat ng kaso mula sa mga umano’y nanlaban at sinasabing pinatay ng mga ‘vigilante’.
Layon aniya nitong matukoy nila kung may paglabag sa karapatang pantao ang mga operasyon ng mga pulis sa ilalim ng kampanya kontra iligal na droga.
Hindi pa naman matiyak ni Gascon kung kailan sila magsisimulang mag review ng case folders dahil naka depende pa ito kung kailan ibibigay ng PNP ang mga nasabing kaso.
Hindi rin alam ni Gascon kung may basbas ba ng Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing desisyon ng PNP.
Magugunitang sa SONA ng Pangulo ay inihayag nitong hindi siya papayag na maimbestigahan ng CHR at Ombudsman ang kaniyang mga pulis ng walang basbas mula sa kaniya.
Series of meeting
Naging maganda at mabunga ang unang araw ng pagpupulong ng PNP o Philippine National Police at CHR o Commission on Human Rights na ginanap sa Kampo Krame kahapon.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jackie de Guia, isa sa napag-usapan ang kahilingan ng komisyon na makakuha ng case folders na naglalaman ng lahat ng kopya ng mga kaso ng mga namatay sa police operations at maging ng mga vigilante.
Dagdag ni de Guia, naging maganda rin aniya ang pagtanggap ng PNP sa mungkahi ng CHR na bumuo ng task force na binubuo ng dalawang nasabing ahensya para sa pagsasagawa ng review sa mga kaso ng umano’y extrajudicial killings.
Umaasa rin ang CHR na magiging tuloy-tuloy na ang magandang resulta sa pakikipagpulong sa PNP para tuluyan nang mawala ang agam-agam ng publiko sa mga ginagawang operasyon ng pulisya.
“It was meant to be a preliminary meeting to build confidence among the 2 institutions, sabi nga ng dalawang naturang leader na in the spirit of openness and transparency as well as truthfulness, there is really a need to come together, work together and discuss things.” Pahayag ni De Guia
By Judith Larino / (Ulat ni Jonathan Andal) / Krista de Dios / Balitang Todong Lakas Interview
Photo Credit: PNP-PIO