Magpapatuloy ang operasyon ng PNP o Philippine National Police Region 10 para sa pagdakip ng mga indibidwal na kabilang sa ipinalabas na arrest order ng Department of National Defense (DND).
Ito ay matapos kumpirmahin ni Northern Mindanao Police Office Spokesperson Superintendent Lemuel Gonda, ang pag-aresto kay dating Marawi City Mayor Fajad Umpar Salic sa checkpoint sa Barangay San Martin, Villanueva Misamis Oriental.
Ayon kay Gonda naging batayan ng pag-aresto kay Salic ang arrest order na ipinalabas ng Department of Defense kasabay ng pagpapatupad ng martial law sa Mindanao.
Aniya, kasalukuyang naka-deteni si Salic sa CIDG Region 10.
“Ang dated po ng arrest ni Ex-Mayor Salic is yung Arrest Order No. 2 na inisyu ng Department of National Defense, dated June 5. 2017. Nakapirma dito po ay yung martial law administrator tapos si Secretary Lorenzana. Yung kaso po nya is a rebellion, violation of Article 134. Nakikipag-coordinate po tayo sa kasundaluhan at sa community para sa possible operation, joint operation, relation sa arrest order nga na mga pangalan na nasa Arrest Order No. 1, Arrest Order No. 2”, bahagi ng pahayag ni Northern Mindanao Police Office Spokesperson Superintendent Lemuel Gonda, sa panayam ng DWIZ.
Salic matagal nang financier ng magkapatid na Abdullah at Omar Maute
Matagal nang financier ng magkapatid na Abdullah at Omar Maute ang naarestong dating mayor ng Marawi City na si Mayor Fajad Umpar Salic.
Ito ayon kay Regional Military Spokesman Brigadier General Gilbert Gapay, dahilan kaya’t kabilang sa ipinalabas na arrest order ng Department of National Defense si Salic sa kasong rebelyon.
Aniya, logistics at financial ang tulong na ibinibigay ni Salic simula pa noong panahong binubuo pa lamang ng magkapatid ang grupo.
Bukod kay Salic, naaresto rin ang tatlo (3) niyang kasamahan na hindi pa pinapangalanan.
Nakatakda namang isalang ngayong Huwebes sa inquest proceedings ang apat (4) na naaresto at sasampahan ng kasong rebelyon.
Salic umalma sa pagkakadampot sa kanya ng mga otoridad
Umalma si dating Marawi City Mayor Sultan Fajad Pre-Salic sa pag-dampot sa kanya ng mga otoridad.
Si Salic ay inaresto dahil sa kasong rebelyon matapos maharang ang kanyang sasakyan sa misamis oriental.
Mahigpit na itinanggi ni Salic ang pagkakasangkot sa kaguluhan sa lungsod na pinamunuan nito ng siyam (9) na taon.
Ang dating alkalde ay una nang isinangkot ng Pangulong Rodrigo Duterte na kabilang sa mga sangkot sa narco-politics at boluntaryong sumuko sa PDEA Region 10 para itanggi ang pagdawit sa kanya sa operasyon ng iligal na droga.
By Krista De Dios / Judith Estrada – Larino | Ratsada Balita Program (Interview) | With Report from Jonathan Andal