Magsasagawa ng survey ang Philippine National Police (PNP) Region 6 sa kanilang nasasakupan para mapili ang mga pulis na kanilang ilalagay sa anti – drug units.
Ayon kay Police Region Office 6 Spokesperson Superintendent Gilbert Gorero, layunin nito ang makuha ang tiwala ng publiko sa muling pagsabak ng PNP sa ‘war on drugs’.
Paliwanag ni Gorero, maglalagay sila ng listahan ng lahat ng pangalan ng mga pulis sa isang munisipiyo kung saan mamimili ang Barangay Anti – Drug Abuse Council (BATAC) ng kanilang nais na maging operatiba kontra iligal na droga sa kanilang lugar.
Gayunman, nilinaw ni Gorero na hindi otomatikong pakakapasok sa anti – drug unit ang mga pulis na mapipili ng barangay dahil dadaan pa ang mga ito sa background investigation bago sumalang sa retraining sa human rights.
Samantala, tiniyak naman ni Gorero na kanilang iba–validate at ia–update ang hawak nilang drug watchlist.