Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga nangangailangan ng baril bilang proteksyon na mag-apply na lamang ng permit sa Commission on Elections (COMELEC) ngayong umiiral ang gun ban.
Reaksyon ito ni Chief Supt. Wilben Mayor, Spokesman ng PNP sa inihaing petisyon ng Grupong Go Act sa Korte Suprema na humihiling na ipatigil ang pagpapatupad ng gun ban.
Ayon kay Mayor, kinikilala naman ng COMELEC at ng batas ang karapatan ng bawat mamamayan na idepensa at mabigyan ng proteksyon ang kanilang mga sarili mula sa panganib.
Ipinaliwanag ni Mayor na ang baril ay instrumento ng krimen at mas mabilis na mamomonitor ang movement ng mga baril kung umiiral ang gun ban.
Sa ilalim ng panuntunan sa gun ban, tanging ang mga mayroong exemption sa COMELEC at mga pulis at sundalong naka-uniporme at naka-duty ang pinapayagang makapagdala ng baril.
By Len Aguirre