Siniseryoso ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilan sa kanyang mga kritiko ang nagpaplanong ipapatay siya.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, bagama’t wala silang natatanggap na impormasyon sa umano’y planong pagpatay sa pangulo, kanila pa rin ito itinuturing na seryosong akusasyon lalo’t nanggaling mismo ito sa punong ehekutibo.
Dagdag ni Albayalde, may mga iba pang ahensiya ng pamahalaan ang maaaring makapagbigay ng mga impormasyon kay Pangulong Duterte at hindi lamang mula sa PNP.
Magugunitang sa isinagawang interview ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, sinabi ni Pangulong Duterte na may ilang personalidad aniya ang nagpaplanong isabotahe ang kanyang administrasyon.
Dagdag ng pangulo, posibleng umabot din anito sa assassination o pagpatay sa kanya na posibleng isagawa kasabay ng anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa Setyembre 21.