Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagdalo sa muling pagbubukas ng Mamasapano investigation sa Senado, bukas, araw ng Miyerkules.
Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, Spokesman ng PNP, maging si PNP Chief Director General Ricardo Marquez ay handang dumalo kung ipatatawag ng Senado.
Binigyang diin ni Mayor na naghahabol rin naman sila ng hustisya dahil mga kasamahan nilang pulis ang SAF 44.
“Definitely po a-attend kami, kung sino man po ang naimbitahan at kasama sa listahan ay pupunta po sa imbestigasyon ng Senado, noon pa naman ay nabanggit na namin, na sa amin din po dahil kasamahan namin ang nasawi po dito ay hustisya din ang aming hinahanap.” Ani Mayor.
Kasabay nito ay tiniyak ni Mayor na handa silang gawin ang kanilang tungkuling arestuhin ang sinuman, sakaling lumabas na ang resulta ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa kung sino ang dapat na managot sa pagkamatay ng SAF 44.
“Tungkulin namin na unang-una ay ipatupad ang batas at sa pagkakataong ito ay gagawin namin ang lahat para sa ating mga kapatid na nasawi noong January 25 at sisiguraduhin namin kasama ang AFP na mapanagot ang mga gumawa ng karahasan sa aming mga kasama.” Pahayag ni Mayor.
By Len Aguirre | Ratsada Balita