Pinuna ni Deputy Speaker Mujiv Hataman ang Philippine National Police (PNP) sa pagtukoy nito sa isang naarestong suspek bilang sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Sa Facebook post ni Hataman, ibinahagi nito ang larawan ng isang kinilalang Hadji Faisal Abdulkarim na naaresto sa ikinasang counter-terrorism operation ng PNP sa Barangay Matata, Ungkay Pukan, Basilan.
Ayon aniya sa PNP, tumatayong sub leader ng Abu Sayyaf Group Dawlah Islamiyah Basilan Sub-Group sa ilalim ng pamumuno ni Radzmil Jannatul ang nadakip na si Abdulkarim.
Suspek din umano ito sa pagpatay sa isang Barangay Chairman at panununog sa ilang kabahayan sa Basilan.
Gayunman, ibinahagi ni Hataman sa kanyang post ang larawan ng lalaking kahawig ni Abdulkarim kasama si 18th infantry Battalion Commander Lt. Col. Egverr Jonathan Abutin at Bangsamoro Transition Authority Member Mp Ustadz Alzad Satta sa isang groundbreaking ceremony.
Sinabi ni Hataman, sa ginawang ito ng PNP tila nais ng mga itong buhayin ang Abu Sayyaf Group (ASG) na halos hindi na namamataan sa Basilan.
Tinawagan din ng pansin ni Hataman si PNP Chief General Debold Sinas na tignan ang pinaggagawa ng mga tauhan nito na ilang ulit na aniyang gumawa ng kalokohan sa kanilang lalawigan.