Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang layunin ng mga nagsulputang community pantry sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, hindi kailanman nakikialam ang pulisya sa anumang uri ng kawanggawa at pagmamagandang loob ng iba’t ibang grupo o indibidwal.
Ipinabatid ni Sinas na sariling initiative ng lokal na pulisya ang ginagawang profiling sa mga organizer ng community pantries at walang kautusan mula sa liderato ng PNP para gawin ito.
Hangad lamang aniya nilang maging maayos ang pamamahagi ng tulong, salig sa umiiral na health protocols para labanan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
BASAHIN: PNP hindi ipinag-utos ang pagsasagawa ng profiling sa mga organizers ng community pantries, ayon kay PNP Chief Gen. Debold Sinas | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/Rpg8J7gzeP
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) April 20, 2021
Sa katunayan, inihayag ni Sinas na naglatag din ng sariling community pantry ang Eastern Police District Headquarters sa Pasig City mula pa kahapon.
Ang pahayag ni Sinas ay kasunod na rin nang pagtigil sa maginhawa Community Pantry sa Quezon City dahil sa umano’y profiling at red tagging. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)