Suportado ng PNP o Philippine National Police sakaling muling ihirit ng Malakanyang ang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao sa ikatlong pagkakataon.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, malaki ang maitutulong ng martial law para matiyak ang maayos at tahimik na pagsasagawa ng nakatakdang plebesito sa Bangsamoro Organic Law sa Enero ng susunod na taon.
Iginiit pa ni Albayalde, iba ang umiiral na batas militar sa Mindanao kumpara noong panahon ng rehimeng Marcos dahil malaya pa rin ang mga taga Mindanao na makapagpahayag ng kanilang saloobin.
Binigyang diin ni Albayalde, tanging papel lamang ng martial law sa Mindanao ay ang pagpapaigting sa security checkpoints, mabilis na pagtugis sa mga lawless elements at pagsuko ng mga armas.
(with report from Jaymark Dagala)