Desidido ang Philippine National Police (PNP) na tapusin sa loob ng anim na buwan ang giyera laban sa illegal drugs.
Ayon kay Senior Supt. Dionardo Carlos, Spokesman ng PNP, sisikapin nilang masunod ang naunang pangako ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mamamayan na tapusin ang problema sa illegal drugs at malalang kriminalidad sa bansa sa unang anim na buwan ng kanyang panunungkulan.
Inihayag ito ni Carlos sa kabila ng hirit ng Pangulong Duterte na karagdagang anim na buwan upang tapusin ang idineklara niyang giyera laban sa illegal drugs trade.
Bahagi ng pahayag ni PNP Spokesman Senior Supt. Dionardo Carlos
Protective gear
Priority ng liderato ng PNP na mabigyan ng protective gear ang lahat ng mga pulis.
Ayon ito kay PNP Spokesman Senior Supt. Dionardo Carlos sa gitna nang pagtaas ng bilang ng mga napapatay at nasusugatang pulis sa mga operasyon kontra illegal drugs.
Sinabi ni Carlos na sa ngayon ay tanging mga pulis ng special forces tulad ng SWAT, SAF at explosives and ordinance division ang mayroong protective gears tulad ng bullet proof vest at kevlar helmets dahil sila ang mga nangunguna sa field operations.
Ipinabatid ni Carlos na hinahanapan na ng pondo ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pagbili ng mga protective gears para hindi mapuwerhisyo ang mga pulis na tinatamaan o minsan ay namamatay pa sa mga nanlalabang suspek sa mga raid.
Ilan pulis aniya ang bumili na rin ng sarili nilang vest o helmet para ma protektahan ang kanilang sarili sa mga operasyon lalo na sa kampanya kontra iligal na droga.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Judith Larino | Jonathan Andal (Patrol 31)