Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na agad nilang sisimulan ang pagbabakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) para sa kanilang mga tauhang kabilang sa A4 priority category.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa sandaling matanggap na nila ang mga bakunang inilaan para sa kanila ng Department of Health (DOH).
Kasunod nito, hinikayat ni Eleazar ang mga tauhan nito na samantalahin na ang bakunang ibibigay sa kanila ng lokal na pamahalaan sa kanilang area of responsibility upang maproteksyunan na mula sa banta ng virus.
Gayunman, muling binigyang diin ng PNP chief na walang pilitan sa kanilang hanay lalo na sa mga kasamahang hindi pa handa o di kaya’y ayaw talagang magpabakuna.
Sa ilalim ng A4 priority category ng vaccination rollout ng pamahalaan, isinama na ng Inter-Agency Task Force ang mga pulis matapos itong ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kabuuan, mayroon nang 15,700 na mga pulis na nabakunahan na kontra COVID-19 mula sa kabuuang 220,000 dahil kabilang din ang mga ito sa iba pang kategorya tulad ng A1 o medical frontliners at A3 o persons with comorbidities.