Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Police Regional Office Cordillera na siyang tututok sa pamamaslang sa doktor na dati ring kandidato sa pagka-alkalde sa Abra.
Ito’y bilang pagtalima na rin sa kautusan ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar para maihatid ang katarungan sa pamilya ng doktor na si Amor Trina Dait.
Walang habas na pinagbabaril ang biktima sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Barangay Poblacion sa bayan ng Pilar ang biktima nitong Sabado ng gabi.
Si Dra. Dait ay resident doctor ng La Paz District Hospital at dating tumakbo sa pagka-alkalde ng Bayan noong 2019.
Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang PNP Chief sa pamilya Dait at nangako siyang personal na tututukan ang kaso at titingnan ang lahat ng anggulo para magbigay liwanag sa kaso.
Una rito, inatasan ng Eleazar ang lahat ng mga police commanders na paigtingin ang kampanya laban sa loose firearms at mga private armed groups bilang paghandaan sa nalalapit na eleksyon sa susunod na taon. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)