Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang isang patas na imbestigasyon sa pagkamatay ng 18 anyos na binata sa Valenzuela City.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar makaraang itasan nito ang PNP Internal Affairs Service (IAS) para pangunahan ang imbestigasyon.
Batay sa ulat ng Northern Police District (NPD), nakatanggap ng tawag ang Pulisya mula sa mga kagawad ng Barangay hinggil sa iligal na tupada sa F. Dulalia St. sa Brgy. Lungunan.
Tatlo ang naaaresto sa nasabing operasyon ng mga Pulis kabilang ang binatang si Edwin Arnigo na sinasabing nang-agaw sa baril ng isa sa mga humuhuling Pulis dahilan upang mabaril ito.
Nagawa pang isugod sa Valenzuela City Medical Center si Arnigo na napag-alamang may problema umano sa pagiisip subalit idineklara na itong dead-on-arrival.
Ayon sa PNP Chief, kasalukuyan nang nakapailalim sa restrictive custody ang Pulis na nakabaril kay Arnigo, may rangkong Senior Master Sergeant at nadisarmahan na rin ito.