Muling pinaalalahanan ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP ang mga tauhan nito na tiyaking nasusunod pa rin ang health protocols sa mga voters registration site.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, isang linggo bago ang deadline para sa voters registration na itinakda ng Commission on Elections o COMELEC sa Setyembre a-30.
Nakarating sa PNP Chief ang mga reklamo hinggil sa dagsa ng mga nagnanais magparehistro kung saan ay hindi na nasusunod ang physical distancing na posibleng maging dahilan ng super spreader event.
Asahan na aniya ito lalo’t papalapit na ang deadline at tiyak maraming hahabol kaya’t mahigpit niyang binilinan ang mga pulis na magpakalat ng sapat na tauhan para siguruhing magiging maayos at mapayapa ang registration hanggang sa huli.
Binigyang diin ni Eleazar na mahalaga ang pagpaparehistro ngayong nalalapit na ang Eleksyon 2022 subalit mas mahalaga pa rin aniya ang buhay na maaaring masayang kung pababayaan ang sarili mula sa COVID-19.