Tiniyak ng liderato ng Philippine National Police (PNP) na hindi lalagpas ng 30 araw ay sibak na sa serbisyo si P/Msgt. Jonel Nuezca.
Si Nuezca ang pulis na nag-viral sa social media na namaril sa mag-inang sina Sonya at Frank Gregorio sa Paniqui, Tarlac ng dahil sa boga o improvised PVC canon.
Ayon kay Sinas, kapwa minamadali na ngayon ng PNP Internal Affairs Service (IAS) gayundin aniya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagdinig sa kasong administratibo laban kay Nuezca.
Paliwanag ng PNP Chief, kailangan lamang nila sa ngayon ay patatagin ang kasong kriminal na isinampa nila sa korte upang maiwasan na ito’y mabasura dahil sa teknikalidad.
Kinausap na rin ni Sinas ang ilang mga opisyal para masigurong hindi na maulit ang nangyari at hindi na madawit ang mga pulis sa ganitong mga insidente.
Una nang nasampahan ng kasong kriminal si Nuezca sa korte at hinihintay na lang PNP Region 3 ang kanyang commitment order. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)