Pinaalalahanan ng Philippine National Police o PNP ang mga tauhan nito na mahigpit na sundin ang mga panuntunan sa pag-aresto sa mga lumalabag sa health at quarantine protocols.
Ito’y kasunod ng panawagan ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa mga tagapagpatupad ng batas na huwag kalimutan ang mga umiiral na panuntunan kung sila’y mang-aaresto ngayong nakapailalim ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, malinaw naman ang isinasaad ng nilagdaang joint memorandum ng DOJ at ng Department of the Interior and Local Government o DILG na dapat nakasalig sa mga umiiral na batas at ordinansa ang mga arestuhan lalo na iyong may kinalaman sa quarantine rules.
Babala ng PNP Chief sa mga pulis na tiyak may kalalagyan ang mga ito kung mapatunayang umabuso sila sa kanilang kapangyarihan at kung hindi paiiralin ang maximum tolerance gayundin ang tamang paggalang sa kanilang pagsita.
Gayunman, paulit-ulit ang apela ni Eleazar sa publiko na unawain ang mga pulis na gumaganap lang sa kanilang tungkulin at hinihingi nito ang pakikiisa ng lahat upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID-19.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)