Tiniyak ng pambansang pulisya na patuloy pa rin nilang babantayan ang mga local chief executives na una nang tinanggalan ng police powers ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Iyan ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Spokesman S/Supt. Benigno Durana kasunod ng pagkakapaslang kay Ronda, Cebu Mayor Mariano Blanco III kamakalawa sa mismong tanggapan nito.
Sinabi ni Durana na mahigpit ang naunang kautusan ni PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde sa lahat ng mga chiefs of police na paigtingin ang ugnayan sa mga alkaldeng tinanggalan ng police powers upang siguruhing ligtas ito mula sa anumang banta sa kanilang buhay.
Kasunod nito, sinabi ni Durana na sasailalim aniya sa malalimang imbestigasyon ang kaso ng pagpatay kay Mayor Blanco at tiyak na kakastiguhin ang mga pulis sakaling mapatunayang nagpabaya sila rito.
Magugunitang ikinatuwiran ng mga Ronda Municipal Police na nasa pagsisilbi sila ng warrant sa mataas na bahagi ng bayan kaya’t wala umanong naiwan sa kanilang himpilan na katabi lamang ng munisipyo nuong mga sandaling nangyari ang krimen.
Pang-labing isa (11th) si Mayor Blanco sa mga napapaslang na alkalde na isinasangkot sa kalakalan ng iligal na droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.