Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang regular validation o pag-update sa listahan ng drug suspects bilang bahagi ng paghahanda para sa muling pagpapatupad ng Oplan Tokhang.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos na buwan-buwan nagpupulong ang intelligence group, Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para alamin kung sino ang mga dapat tanggalin o idagdag sa drug list.
Ang mga pangalan aniyang matitira sa drug list matapos ang validation ang magiging target ng Oplan Tokhang.
Ipinabatid ni Carlos na binabalangkas na ang mga panuntunan para sa muling pagsisimula ng Oplan Tokhang na ipatutupad bago matapos ang buwang ito.
Samantala, ipinabatid ni Carlos na kasado na ang pagbili ng body cameras ng PNP na gagamitin sa anti-drug operations.
Pumapalo aniya sa 39 milyong piso ang budget na inilaan para sa mga nasabing body camera.
Wala naman aniya siyang impormasyon kung ilang mga body camera ang bibilhin at kung kailan ito gagamitin.