Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na patuloy na bababa ang bilang ng krimen sa bansa.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni PNP Spokesman Senior Superintendent Bernard Banac na tuloy-tuloy ang pagsusumikap ng Pambansang Pulisya na sugpuin ang kriminalidad sa buong bansa.
Batay sa ulat ng PNP, lumilitaw na bumaba sa 9.14 percent o katumbas ng mahigit apatnaraan at apatnapu’t tatlong libo (443,000) ang bilang ng mga napaulat na krimen noong nakaraang taon mula sa mahigit limandaan at dalawampung libong (520,000) kaso ng krimen noong 2017.
“Dahil ito sa maigting na programa ng ating Kapulisan na ipinapatupad ng ating Chief PNP na si Police Director General Oscar Albayalde at ito’y patuloy na maigting na ipinapatupad ng ating Kapulisan.” Ani Banac
Pagkakasangkot ng mga kabataan sa samu’t saring krimen tumataas
Samantala, nakitaan ng Philippine National Police (PNP) ng pagtaas ang bilang ng mga kabataang nasasangkot sa iba’t ibang krimen.
Ayon kay PNP Spokesman Senior Superintendent Bernard Banac, ito ang dahilan kaya’t suportado ng Pambansang Pulisya ang panukalang maibaba sa edad na siyam ang criminal liability sa mga bata.
Ikinalulungkot ni Banac na sa murang edad ay marami na aniyang kabataan ang namumulat sa karahasan at paggawa ng krimen.
“Kung ito’y maipasa ng ating Kapulungan ito’y ipapatupad ng Philippine National Police nang maigting, alam naman natin sa ngayon na tumataas ang insidente ng involvement ng mga kabataan sa krimen.” Ani Banac
Binigyang diin ni Banac na puspusan naman ang mga ginagawa nilang hakbangin upang mahuli ang mga sindikatong gumagamit sa mga kabataan.
“Hindi nagbabago ang posisyon ng PNP na ipapatupad ang batas even yung mga sindikato na gumagamit sa mga juvenile na ito ay kailangan talagang habulin at hindi tayo nagkukulang diyan, patuloy ang ating Kapulisan sa pagtutugis sa mga ‘yan.” Pahayag ni Banac
—-