Kasado na ang paghahanda ng Philippine National Police o PNP para sa nalalapit na paggunita ng araw ng Undas sa Nobyembre 1.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, magpapakalat ng mga tauhan ang pambansang pulisya sa lahat ng airports, seaports at mga bus terminal upang masigurong magiging maayos at matiwasay ang pagbiyahe ng mga kababayan nating magsisiuwian sa mga lalawigan.
Magkakaroon rin aniya ng mga roving patrol sa mga residential area upang mabantayan ang mga kabayahan habang wala ang mga naninirahan dito.
Pahayag ni Banac, layon nitong mapigilan ang mga masasamang loob na nais manggulo sa nalalapit na Todos Los Santos.
‘’Ang ating Philippine National Police ay nakahanda na po na magbigay seguridad para sa nalalapit na undas at ang lahat ng airports, seaports, mga bus terminals ay siya nating bibigyan ng karagdagang security upang maalalayan natin ang ating mga kababayang magsisipag uwian sa kani-kanilang mga probinsya at mapigilan din natin of course yung mga magtatangka ng mandurukot at mang biktima ng ating mga kababayan. Maging ang mga residential areas ay binibigyan din natin yan ng mga roving patrols nang sa ganun ay mapanatili po natin na secured ang mga kabahayan habang wala ang ating mga kababayan during the undas. So ito yung mga paghahanda natin sa ngayon.,’’ ani Banac.
Dagdag pa ni Banac, tinatayang aabot sa 20,000 mga pulis ang ipakakalat ng PNP sa buong bansa sa mismong araw ng undas.
‘’Estimated natin nationwide ay may kabuuan tayo na 20,000 na mga kapulisan natin na siyang distributed nationwide of course marami dito sa Kamaynilaan, meron tayong mahigit 5,000 na mga kapulisan na nakatalaga dito at ang iba naman ay doon na sa mga lalawigan, probinsya at mga rehiyon. So ang mga yan ay ating isasagawa para mapanatili natin ang kapayapaan at kaayusan ngayong undas,’’ ani Banac. — sa panayam ng Balitang 882.