Patuloy na nagsasagawa ng clearing operations ang Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na pinadapa ng bagyong Karding.
Sa pahayag ni PNP Officer-In-Charge Pol. Lt. Gen. Jose Chiquito Malayo, nakatutok ang kanilang ahensya sa pagtulong sa mga lugar na sinalanta kung saan, inasistehan narin nila ang pamamahagi ng relief goods sa mga pamilyang apektado ng nagdaang bagyo.
Ayon kay Malayo, nakahanda ang kanilang assets na kinabibilangan ng transportation at communication equipment para sa nagpapatuloy na relief and clearing operations.
Matatandaang una nang nagdeploy ang PNP ng mahigit isang libo’t limandaang personnel para umagapay sa search, rescue and retrieval operations sa National Capital Region (NCR), Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon at Bicol Regions na naapektuhan ng typhoon Karding.