Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na kanilang ipagpapatuloy ang pakikipagdayalogo sa mga miyembro ng media matapos ang pagpatay sa batikang broadcaster-columnist na si Percy Lapid.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration OIC Lt. Gen. Rhodel Sermonia, itutuloy ng kanilang ahensya ang pakikipag-ugnayan sa mga media personality alinsunod sa direktiba ni Interior and Local Government secretary Benhur Abalos Jr., kasunod na rin ng kontrobersyal na house-to-house visit ng mga Pulis sa mismong bahay ng ilang mga mamamahayag noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Sermonia, na kanilang lilibutin ang iba’t ibang bahagi ng bansa upang makipagdayalogo sa grupo ng iba’t ibang mga organisasyon ng Media.
Layunin ng ahensya na mapakinggan ang hiling at hinanaing ng mga media personality hinggil sa kanilang seguridad lalo na sa mga nakakatanggap ng death threat o banta sa kanilang buhay.
Iginiit pa ni Sermonia na maganda ang intensiyon ng pnp na proteksyunan ang mga mamamahayag kung saan, kailangan lamang nila na makipag-ugnayan ang mga miyembro ng Media.