Pinakikilos na ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Camilo Cascolan ang kanilang regional units sa Bangsamoro Autonomous Region.
Ito’y para tumulong sa militar na tugisin ang mga nasa likod ng ginawang pagpapasabog sa isang military truck sa bahagi ng Shariff Aguak, Maguindanao nitong Biyernes.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Ysmael Yu, ang utos ng PNP Chief ay bahagi na rin ng pangako nito na paigtingin ang relasyon ng pulisya at militar matapos mapatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu ang apat na sundalo nitong Hunyo.
Magugunitang gabi nitong Biyernes, Setyembre 18 nang pasabugan ng isang improvised explosive device (IED) ang isang military truck lulan ang limang miyembro ng Philippine Marines.
Isa ang nasawi sa nasabing insidente habang apat pang kasamahan nito ang kritikal at ginagamot ngayon sa maguindanao provincial hospital.