Handa na ang Philippine National Police (PNP) sa naka-ambang pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa, kaisa sila ng Department of Education (DepEd) sa pangangalaga sa mga estudyanteng magbabalik eskuwela sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Kabilang aniya sa mga ito ang tinatawag na Places of Convergence na daraanan ng mga estudyante papasok sa mga paaralan at pauwi sa kanilang tahanan
Nakalatag na rin aniya ang security plan ng PNP at kanilang ilalatag ito sa pamunuan ng mga paaralan para sa tuluyang pagsasaayos nito.
Tutulong din aniya ang PNP sa pangangalaga sa mga guro sa liblib na mga lugar gayundin sa pagbibigay impormasyon sa mga estudyante ng mga kaalaman kontra krimen.
Makikiisa rin ang PNP ani Gamboa sa brigada eskuwela program upang ihanda ang mga paaralan sa pagbubukas ng klase ngayong new normal.