Tutulungan ng Philippine National Police (PNP) ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapatupad ng price freeze sa mga lugar na naapektuhan ng pagyanig.
Kasunod ito ng pagsasailalim sa State of Calamity ng Abra dahil sa pinsalang idinulot ng magnitude 7 na lindol kung saan, pinasisiguro ng DTI na mapanatili sa normal ang presyo ng mga pangunahing produkto.
Ayon kay PNP officer in charge Pol. Lt. Gen. Vicente Danao, Jr., kaniya nang inatasan ang lahat ng Police Units sa Abra, na makipag-ugnayan sa DTI hinggil sa pagpapatupad ng price freeze sa Abra at iba pang lugar sa northern Luzon.
Sinabi ni Danao na tutulong ang kanilang ahensya sa pagpapatupad, at pag-momonitor ng hoarding, profiteering, rice manipulation at iba pang “unfair trade practices.”
Iginiit ni Danao na iniimbestigahan na ng PNP ang ilang mga ulat na may paglabag sa price freeze sa nabanggit na lugar.
Sa kabila nito, nanawagan sa publiko si Danao, na agad na isumbong sa kanilang tanggapan ang mga negosyanteng mananamantala sa gitna ng sitwasyon sa Abra.