Pinalagan ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni Vice President Leni Robredo na bigo ang anti-illegal drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay PNP OIC Police Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa, bagama’t nagpapasalamat sila sa 18 araw na panunungkulan ni Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), naniniwala silang pamumulitika lamang ang dahilan ng pahayag nito.
Iginiit ni Gamboa, mali ang ginamit na impormasyon ni Robredo na ginawa nitong pamantayan sa kaniyang mga ipinalabas na datos.
Masakit aniya ito lalo na’t isinangkalan pa ng Pangalawang Pangulo ang PNP drug enforcement group bilang pinagkunan niya ng mga datos.
Binigyang diin naman ni Gamboa na nananatiling matagumpay ang war on drugs na kanilang mapatutunayan batay sa hawak nilang datos kung saan kabilang ang pagkakalansag sa 14 na shabu laboratory. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)