Walang inihandang barikada ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga magsasagawa ng kilos-suporta ngayong araw ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay QCPD District Director Ssupt. Guillermo Eleazar, mahigpit ang kanilang koordinasyon sa magsasagawa ng kilos-suporta at papayagan nilang makalagpas ang mga ito sa St. Peter’s Church.
Hindi din aniya sila magsasara ng kalsada, maliban nalang kung kakailanganin mamayang hapon, at kung sakali, kanilang irereserba ang east bound lane patungo sa IBP Road para sa iba’t ibang grupo na magsasagawa ng programa, at ang mga dadalo sa SONA ay papadaanin sa west bound lane.
Bahagi ng pahayag ni QCPD District Director Ssupt. Guillermo Eleazar
Dumptrucks
Nilinaw ni QCPD District Director Ssupt. Guillermo Eleazar, na naka stand by lamang ang mga dumptrucks na nakaparada sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Ipinaliwanag ni Eleazar na ito ay bahagi lamang ng kanilang contingency plan at hindi naman ito gagamitin.
Binigyang diin ni Eleazar na sa unang pagkakataon ay hindi magmimistulang war zone ang bahagi ng Batasang Pambansa ngayong araw ng SONA.
Bahagi ng pahayag ni QCPD District Director Ssupt. Guillermo Eleazar
NCRPO
Umaasa naman ang NCRPO na walang maitatalang karahasan sa mga pagkilos sa SONA o State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw na ito.
Ito ayon kay NCRPO Director Chief Supt. Oscar Albayalde ay dahil maayos ang naging pag-uusap nila ng mga grupong magsasagawa ng pagkilos sa SONA.
Sinabi sa DWIZ ni Albayalde na pinayagan na rin nila ang mga nasabing grupo na lumapit sa Batasan Complex para hindi na rin makaapekto sa daloy ng trapiko.
Bahagi ng pahayag ni NCRPO Director Chief Supt. Oscar Albayalde
Threat
Samantala, walang namo-monitor na mga pagkilos mula sa mga kalaban ng gobyerno tulad ng BIFF at Abu Sayyaf ang mga awtoridad kasabay ng unang SONA o State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, tiniyak sa DWIZ ni NCRPO Director Chief Supt. Oscar Albayalde na patuloy naman ang mahigpit na pagbabantay sa pangkalahatang seguridad ng bansa.
Bahagi ng pahayag ni NCRPO Director Chief Supt. Oscar Albayalde
By Katrina Valle | Jopel Pelenio (Patrol 17)| Judith Larino | Ratsada Balita