Walang namomonitor na anumang banta sa seguridad ang Philippine National Police sa isinasagawang 51st Asian Development Bank Meeting sa Metro Manila simula ngayong araw hanggang linggo, Mayo a-sais.
Ayon kay ADB 2018 Security Task Force Head Chief Supt. Alfredo Valdez, nanatiling maayos ang sitwasyon ng seguridad para sa taunang pagpupulong at wala rin silang nakukuhang ulat ng mga grupong nais manggulo.
Sinabi naman ni NCRPO Director Camilo Cascolan, wala rin silang inaasahang malaking pagkilos kasabay ng naturang event.
Una nang inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na aabot sa halos 8,000 mga pulis ang kanilang ipinakalat para sa ADB Meeting.
Kasama sa babantayan ng mga pulis ang pagbiyahe ng nasa 4,000 delegado, lugar na pagdarausan ng pulong at mga tutuluyan ng mga ito.
Bukod naman sa PNP, nasa 1,000 ring tauhan ng MMDA at iba pang mga ahensya ng pamahalaan ang kabilang sa binuong Security Task Force sa ADB 2018 Meeting.