Nagbabadya ang banggaan sa pagitan ng NBI o National Bureau of Investigation at PNP o Philippine National Police sa isyu ng Korean national na di umano’y biktima ng ‘tokhang for ransom’ na kinasasangkutan ng pulis na si SPO3 Ricky Sta. Isabel.
Ito ay matapos itanggi ni Chief Superintendent Roberto Fajardo, hepe ng Northern Police District (NPD) ang ulat ng NBI na natagpuan sa Gream Funeral Parlor sa Caloocan City ang labi ng biktimang si Jee Ick Joo.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Fajardo na batay sa sarili nilang imbestigasyon, wala namang na-recover na labi ang NBI at imposible ang kanilang pahayag na na-cremate na ang labi ni Jee dahil walang crematorium sa Gream Funeral Parlor.
Kumbinsido si Fajardo na alam ni Sta. Isabel kung nasaan si Jee kung buhay pa ito o kung nasaan ang labi nito sakaling may ginawa na silang masama sa biktima.
Una rito, napag-alaman di umano ng NBI mula sa operator ng Gream Funeral Parlor na October 18, 2016 nang dalhin sa kanila ng isang taong nagbayad ng tatlumpung libong piso (P30,000) ang labi ni Jee.
Bahagi ng pahayag ni Chief Superintendent Roberto Fajardo
By Len Aguirre | Credit to: Ratsada Balita (Interview)