‘No mercy’.
Ganito ang magiging trato ng Philippine National Police o PNP sa mga miyembro ng iligal na magpapaputok ng kanilang mga baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde, walang ‘second chance’ na ibibigay sa mga pulis na masasangkot sa kaso ng indiscriminate firing.
Kasabay nito, ipinabatid ni Albayalde na hindi nila muling seselyuhan ang baril ng mga pulis bilang pangontra sa indiscriminate firing.
Nais aniyang ipakita ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na disiplinado ang mga pulis at mahigpit na sumusunod sa kautusan laban sa iligal na pagpapaputok ng baril.
Kaugnay nito, hinimok ni Albayalde ang publiko na maging alerto at isumbong kaagad sa otoridad ang mga kahina – hinalang bagay o kilos ng mga indibidwal.
Matatandaang nanganganib masibak sa serbisyo ang dalawang (2) pulis makaraang tanggalin ito sa puwesto dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril.
Una nang sinabi ni Albayalde na agad tatanggalin sa serbisyo ang dalawang pulis sakaling mapatunayang walang dahilan ang mga ito para magpaputok ng baril.