Pormal nang ipinagharap ng kasong kriminal sa Cavite Prosecutor’s Office ang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) na itinuturong nasa likod ng pagkamatay ng kaniyang underclassman.
Kasong paglabag sa Republic Act 11053 o Anti Hazing Law resulting to Homicide ang isinampa laban kay Cadet 2nd Class Steven Maingat sa pamamagitan ng electronic inquest dulot ng umiiral na protocol sa COVID-19.
Ayon kay PNPA Spokesperson P/LtC. Audie Gonzaga, humarap sa pagsasampa ng kaso ang ina ni Cadet 3rd Class George Carl Magsayo na si Ginang Carolina at ang kanilang abogado na si Atty. Leo Angelo Sagario.
Humarap naman sa panig ni Maingat ang abogado nito na si Atty. JG Udarbe.
Batay sa resulta ng imbestigasyon, Cardio – Respiratory Arrest ang sanhi ng pagkamatay ni Cadet Magsayo.
Maliban sa kasong kriminal, sinabi ni Gonzaga na tiyak na rin ang dissmissal ni Maingat sa PNPA batay naman sa kasong Administratibo na isinampa laban sa kaniya. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)