Gumagamit na rin ng online learning ang mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito’y sa pamamagitan ng mga virtual classroom na isa sa mga ginagawa sa PNPA sa Camp General Mariano Castañeda na pinasinayaan ni PNP Chief Police General Camilo Cascolan.
Ayon kay PNPA Director, P/BGen. Gilbert Cruz, itinayo nila ang virtual classrooms upang hindi na kailangan mag-face-to-face lecture makaraang isailalim sa quarantine ang nasa 1,098 kadete at 361 personnel nito kamakailan.
Sa pamamagitan nito, ay nakakapagpatuloy sa kanilang pag-aaral ang mga kadete kahit sila ay naka-confine sa kani-kanilang barracks.
Sinabi rin ni Cruz na COVID-19 free na ang PNPA at kanila pa din gagamitin ang virtual classrooms upang masiguro na mananatiling ligtas sa virus ang akademiya.