Nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga ang isang graduating na kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) at dalawang personnel ng PNP.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, agad isinailalim sa pre-charge investigation at summary dismissal proceedings ang nagpositibong kadete ng pnpa na si Cadet 1st Class John David Macagba.
Aniya, mula sa 260 graduating cadets na isinalang sa drug test, tanging si Macagba lamang ang bumagsak matapos makitaan ng bakas ng shabu ang uring specimen nito.
Una nang ipinag-utos ni Sinas ang pagsasailalim sa drug testing ng buong graduating class 2021 ng pnpa kasunod ng napaulat na insidente ng pambubugbog sa akademiya.
Samantala, kinilala naman ang mga tauhan ng PNP na nagpositibo sa iligal na droga na sina Patrolman Christian Laganzon ng Ligao City Police Station at Giovanni Adulta, non-uniformed personnel mula sa Tabaco City Police Station.
Sinabi ni Bicol Police Chief Police Brig.General Bartolome Bustamante, inilipat na sa regional personnel holding and accounting services sina Laganzon at Adulta para matiyak na makahaharap ang mga ito sa mga susunod pang imbestigasyon.