Pinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Palasyo ng Malakanyang kagabi.
Ito ang kinumpirma ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go kasunod ng malagim na engkuwentro sa pagitan ng PDEA at PNP sa Commonwealth Avenue, Quezon City nito lamang Miyerkules.
Kasama rin sa pulong si Justice Sec. Menardo Guevarra na una nang nag-utos sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pangyayari na ikinasawi ng apat mula sa magkabilang panig.
Una nang ipinag-utos ni pangulo na tanging ang NBI na lamang ang siyang mag-iimbestiga sa nangyari lalo’t maraming katanungan ang dapat masagot pagdating sa operational procedures ng dalawang law enforcement agencies.
Kasunod nito, hinikayat ni Go ang publiko na hintayin na muna ang magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI bago gumawa ng anumang komento o konklusyon sa insidente.
Labis na ikinalungkot ng pangulo ani Go ang nangyari lalo’t sa halip na ang mga drug lord ang napapatay ay mismong ang mga tauhan pa ng gubyerno ang bumulagta sa isang engkuwentro.