Itutulak ni dating Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito ang pagkumpleto sa PNR Bicol Project, pati na ang specialty healthcare centers sa rehiyon.
Ayon kay Ejercito, bibigyang prayoridad niya ang PNR project upang maipakita ang ganda ng Bicol sa pamamagitan ng paglalagay ng imprastraktura.
Nabatid na ang unang phase ng rail line ay magdurugtong sa Calamba City sa Laguna hanggang sa Daraga, Albay habang ang mga susunod na phase ay palalawigin patungong Batangas at Sorsogon.
Sinasabing sa bilis na 160 kilometers per hour na takbo ng tren, inaasahang mapaiiksi ng PNR Bicol Project ang biyahe mula Metro Manila hanggang sa Bicol Region ng apat na oras mula sa kasalukuyang travel time na 10 to 15 hours.
Samantala, upang maging mas madali para sa mga Bicolano na magkaroon ng access sa kumplikadong medical operations sa rehiyon, tiniyak ni Ejercito na pagsasama-samahin nito ang specialty healthcare facilities sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City sa Albay.