Matapos ang halos sampung taong tigil-operasyon, muling umarangkada ang byaheng san Pablo, Laguna at Lucena, Quezon ng Philippine National Railways.
Kahapon pinasinayaan ang pagbabalik-operasyon ng San Pablo-Lucena line sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Department of Transportation, ang muling pagbubukas ng linya ay mahalaga sa pagpapanumbalik ng linya ng PNR-Bicol, na nag-uugnay sa Metro Manila sa mga lalawigan sa Timog-Katagalugan, Camarines Sur, Albay hanggang Sorsogon.
Nasa 3,600 pasahero ang kayang serbisyuhan ng San Pablo-Lucena Line mula Laguna at Quezon provinces.
Aabutin na lamang ng kalahating oras ang biyahe mula Lucena hanggang San Pablo pabalik kung sasakay ng tren, mula sa dating isang oras na biyahe sa kalsada.
Ang 44 kilometer commuter line ay mayroon ding dalawang pangunahing istasyon at apat na flag stop.
Magugunitang inihinto noong October 2013 ang nasabing linya makaraang bumagsak ang sumusuportang istruktura nito.