Tila tyumempo sa paghahanap ng mga Pilipino ng alternatibong kandidato si Senador Grace Poe kaya’t nangunguna sa mga survey sa Presidential elections.
Binigyang diin ito sa DWIZ ni Political Analyst Professor Antonio Contreras, bagamat kailangan pang patunayan ang talagang kakayahan ni Poe sa serbisyo publiko.
“Si Grace Poe, dumating sa tamang pagkakataon na puwede siyang maging alternatibo, kasi hindi naman napaka-trapong tingnan, babae, nandun pa sa kanya yung imahe ng kanyang kinilalang ama na si Fernando Poe Jr., at wala namang nakikitang bahid pa ng korapsyon sa kanya, lagi kasi tayong naghahanap ng alternatibo, noong panahon ni Noynoy, panahon ni Gloria, naghahanap tayo ng pangtapat sa korapsyon, naghahanap tayo ng ibang kuwento.” Ani Contreras.
Mababang rating
Gayunman, posibleng bumagsak ang rating ni Senador Grace Poe sa mga susunod na survey.
Ito ang tantiya ni Political Analyst Professor Antonio Contreras dahil sa pamumulitika na rin ni Poe kapag lumalabas ito.
“Itong mga huli niyang mga pag-asal, ‘yung mga pag-uugali niya, parang medyo may mga kasamahan ako, may mga nakakausap ako na medyo naaasiwa na, parang lumalabas daw na masyadong namumulitika na, parang tradisyunal na din, parang nagbibitaw siya ng mga salitang hindi pinag-iisipan, at ‘yun nga pagdating niya sa campaign, doon na mate-test, unang-una ano ba ang plataporma niya, pangalawa ano ba talaga siya, sino ba talaga siya, wala naman masyadong nakakakilala sa kanya, before 2010 kasi, hindi natin siya kilala.” Paliwanag ni Contreras.
Successor
Samantala, umiiwas lamang ang Pangulong Noynoy Aquino na makulong kaya’t inaayos umano ang mga posibleng successor niya.
Ayon ito kay Political Analyst Professor Antonio Contreras kaya’t tila hinahabol ni PNoy si Senador Grace Poe.
“Nagpa-panic lang siya kasi alam niya na kung sino man ang manalo na hindi niya kakampi ay puwede siyang makulong, katulad ng nangyari kay Erap at Gloria.” Dagdag ni Contreras.
Iginiit pa sa DWIZ ni Contreras na hindi na uubra ang “matuwid na daan” ng gobyerno dahil sa dami ng mga problema nito.
“Anong matuwid na daan, alam naman natin ang kuwentong ‘yan, wala na, it doesn’t resonate anymore because of the problems that we have right now, just look at the LRT, and then you’re going to say tuwid na daan, sabi nga nila walang basagan ng trip, eh matagal nang basag ‘yung trip.” Pahayag ni Contreras.
By Judith Larino | Karambola