Kinuwestiyon ni Senadora Grace Poe ang P1.8-B pondo na inilaan ng Department of Health (DOH) para sa pagbili ng 1-M mga personal protective equipment (PPE) ng mga frontliners.
Ayon kay Poe, malaki ang maitutulong ng 1-M set ng mga protective gear sa mga frontliners sa kanilang pagharap at pagbibigay serbisyo sa publiko sa gitna ng paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Gayunman, kinakailangan pa ring magpaliwanag ng DOH sa naging halaga ng mga bibilhing kagamita.
Paliwanag ni Poe, naglalaro sa P400.00 hanggang P1,000 ang market value ng kada isang set ng PPE.
Aniya, nakatipid sana ng umaabot sa P800-M ang DOH kung hindi nito pinili ang mga PPE set na nagkakahalaga ng P1,000.
Iginiit ni Poe, bagama’t nahaharap ang bansa sa extraordinary health crisis, hindi pa rin aniya dapat kalimutan ang matalinong paggamit ng ipinalalabas ng pondo ng pamahalaan.
Binigyang diin pa ni Poe, magagamit pa sana sa ibang programang makapagbibigay ng ayuda sa taumbayan ang bawat pisong matitipid ng pamahalaan.