Kumbinsido si Senadora Grace Poe na ilang kaalyado ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas o mga taga-Liberal Party ang nasa likod ng pagsasampa ng kaso ng natalong senatorial candidate na si Rizalito David para mapaatras siya sa halalan.
Sinabi ni Poe na may mga naririnig na siyang tsismis kung sino ang taong nasa likod ng paninira sa kanya at sinabi niya mismo ito kay Secretary Roxas.
Nangako naman si Poe, na hindi aatrasan ang panibagong reklamo ni David sa Commission on Elections (COMELEC).
Itinanggi
Itinanggi naman ni Liberal Party (LP) standard bearer, Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na ang partido nito ang nasa likod ng pagsampa ng kaso ni Rizalito David laban kay Senadora Grace Poe.
Ito ang sagot na natanggap ni Poe mula kay Roxas nang muli sila nagpulong noong linggo kung saan pormal na inalok dito ang maging running mate ni Roxas para sa 2016 elections.
Ayon kay Poe, may impormasyong nakarating sa kanya na mga tao mismo ni Roxas ang tumitira sa kanya sa likod.
At hindi nito, aniya, uurungan ang mga paratang na ibinabato sa kanya ni David dahil ayaw nitong masabihang duwag.
Mga kasong kaugnay sa citizenship ang mga kasong isinampa ni David laban kay Poe sa Senate Electoral Tribunal at COMELEC.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Poe na handa silang sagutin ang mga nasabing kaso.
By Meann Tanbio | Avee Devierte