Nangunguna sina Senador Grace Poe at Senador Ferdinand Bongbong Marcos sa presidential at vice presidential survey ng Pulse Asia na ginawa sa linggo kung kailan ipinagdiriwang ang ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power.
Si Poe ay nakakuha ng 25% na sinundan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa 23% at ikatlo si Vice President Jejomar Binay sa 22%.
Pumang-apat si Administration Standard Bearer Mar Roxas na may 20% at 3% naman ng respondents ang pumabor kay Senador Miriam Defensor Santiago.
Samantala, nanguna naman sa vice presidential survey si Marcos na nakakuha ng 26% subalit nananatiling statistically tied kay Senador Francis Escudero na pinaboran ng 25% ng mga respondents.
Hindi nagbago ang ratings ni Marcos mula sa katulad na survey na isinagawa nitong February 16 hanggang 20 subalit bumaba naman ng tatlong porsyento ang ratings ni Escudero mula 28%.
Tumaas naman sa 21% mula sa 17% ang ratings ni LP candidate Congresswoman Leni Robredo, 12% si Senador Alan Peter Cayetano, 6% ang pumabor kay Senador Gregorio Honasan at 4% ang nakuha ni Senador Antonio Trillanes.
Ang nasabing survey ay kinumisyon ng ABS-CBN at isinagawa mula February 23 hanggang 27.
By Judith Larino