Hindi pa tapos ang laban para kay Senator Grace Poe sa kabila ng desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) 2nd Division na i-diskwalipika siya sa 2016 presidential elections.
Ayon kay Poe, ikinalulungkot at ikinadidismaya niya ang desisyon ng COMELEC subalit hindi ito dahilan upang tuluyan na siyang umatras sa halalan lalo’t maaari pa namang umapela sa En Banc.
Nanindigan ang senadora na ipagpapatuloy niya ang laban para sa karapatan ng mga batang pulot at mamamayan na pumili ng kanilang mga leader.
Nanindigan si Poe na isa siyang “natural born-Filipino”, at batid din niyang gagawin ng kanyang mga kalaban ang lahat ng paraan upang hindi siya mapabilang ang kanyang pangalan sa balota.
Bandang huli ay inihayag ng mambabatas na nananalig siya sa magiging pinal na desisyon ng COMELEC En Banc at papanig ito sa interes ng nakararaming mamamayan.
***
Una rito ay diniskwalipika ng Commission on Elections (COMELEC) 2nd Division ang presidential candidate na si Senator Grace Poe sa pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa sa 2016 polls.
Sa 34 na pahinang resolusyon, kinatigan ng COMELEC Second Division sa botong 3-0 ang petisyong ni Atty. Estrella Elamparo na humihiling na i-disqualify si Poe.
Ito’y dahil sa kabiguan ng senador na makumpleto ang 10-year residency requirement na isinasaad sa Saligang Batas.
Isinasaad din sa resolusyon ng poll body na dapat tumalima sa mga probisyon ng konstitusyon ang sinumang naghahangad sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
By Drew Nacino | Cely Bueno (Patrol 19)