Iginiit ni Senador Grace Poe na sinasagot lamang niya ang mga paratang ng mga tagapagsalita ni Vice President Jejomar Binay subalit wala siyang personal na galit sa Pangalawang Pangulo maging sa pamilya nito.
Ito ang paglilinaw ni Poe matapos ihayag ni Makati Rep. Abigail Binay na handa itong mamagitan at makipag-usap sa senador upang wakasan na ang bangayan ng dalawang kampo bunsod ng residency issue na isiniwalat ni UNA Interim President Toby Tiangco.
Ayon sa senador, hindi niya kinalilimutan ang relasyon ng kanyang pamilya sa pamilya Binay subalit nananatili siyang tapat sa kanyang tungkulin.
Aminado si Poe na masakit ang issue na ipinupukol laban sa kanya ng tagapagsalita ng Bise Presidente kaya’t dapat niya itong sagutin dahil may karapatan ang publiko na malaman ang totoo upang ipakita na wala siyang itinatago.
By Drew Nacino | Cely Bueno (Patrol 19)