Walang inimbitahang mga pulitiko ang kampo ni Senador Grace Poe para sa kanyang mahalagang announcement ngayong Miyerkules sa bahay ng alumni sa University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City.
Ayon kay Senador Antonio Trillanes IV, ito ang verbal instruction na ibinigay ni Poe.
Sakali man aniyang may pulitikong dadalo sa nasabing okasyon, pauupuin lamang ito kasama ng audience.
Ipinaliwanag ni Trillanes na kaya walang pulitiko ay para palabasin na people’s candidate si Poe.
Maging si Senador Chiz Escudero ay hindi dadalo sa announcement ni Poe.
Idinagdag pa ni Trillanes na kaya napili ni Poe ang UP bilang venue dahil kilala ang unibersidad sa pagiging malaya at pagiging independent.
Samantala, dadalo ang mga miyembro ng Magdalo Party sa isasagawang announcement ngayong Miyerkules ni Senador Grace Poe.
Sinabi ni Trillanes na suportado ng Magdalo ang kandidatura ni Poe, kahit na si Senador Francis Escudero pa ang kuning running mate nito.
***
Inimbitahan naman ni Senador Grace Poe si House Speaker Feliciano ‘Sonny’ Belmonte sa kanyang mahalagang announcement ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Belmonte na ang imbitasyon marahil ay isang uri ng kortesiya dahil siya ay Speaker of the House.
Hindi naman makasagot ng diretso si Belmonte kung makapupunta siya sa nasabing okasyon.
Titingnan aniya niya kung makadadalo siya dahil may session sa Kongreso ngayong araw.
By Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19) | Jill Resontoc (Patrol 7)