Iminungkahi ni Senate Committee on Public Services chairperson Senator Grace Poe na makipag-ugnayan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at lokal na pamahalaan sa iba’t ibang organisasyon ng mga tsuper para makumpirma ang mga listahan ng benepisyaryo.
Pahayag ito ni Poe, sa harap ng mga reports na may mga pampublikong tsuper na ang napipilitang mamalimos para may makain ang kanilang pamilya.
Tinukoy ni Poe ang report ng gobyerno na nitong June 8, 2020 ay may 98,132 na tsuper ng public utility vehicle (PUV) ang nakatanggap na ng unang bugso ng ayuda ayon sa listahan na isinumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Naniniwala ang senadora na sa ganitong paraan ay mas mapapabilis din at magiging maayos na pamimigay ng subsidiya.
Walang nakikitang dahilan si Poe para maantala ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga pampublikong tsuper sa ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP).