Nagbabala ngayon ang Philippine Overseas Employment Administration sa mga licensed recruitment agency kaugnay ng patuloy na maagang pagkuha ng mga caregiver at care assistants para sa Japan.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, nakapagpalabas na sila nuon ng direktiba na nagbabawal sa premature hiring.
Hinimok ni Olalia ang publiko na isumbong sa kanilang tanggapan ang mga ganitong uri ng illegal recruitment na ginagawa maging ng mga lisensyadong agensya.
Una rito, nakatatanggap ng impormasyon ang POEA na ilang licensed Philippine recruitment agency ang nangangalap at nagpoproseso na ng aplikasyon kahit pa may utos na ang pamahalaan laban sa premature recruitment kabilang ang manpower pooling para sa trabahong caregiver sa Japan.