Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa Department of Foreign Affairs (DFA) maging sa embahada ng Pilipinas sa Ukraine para sa mga Pinoy na posibleng maapektuhan sakaling sumalakay ang Russia.
Ayon kay POEA Deputy Administrator Bong Plan, hinihintay nalang ng kanilang ahensya ang abiso mula sa DFA at Philippine Embassy kaugnay sa mandatory o voluntary repatriations ng 380 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Ukraine.
Matatandaang naglabas ng pahayag si US President Joe Biden na nag-aabiso sa kanilang mga kababayan na nasa Ukraine na umalis na sa nasabing bansa upang hindi madamay sa posibleng pagsalakay ng Russia sa anumang araw.
Ayon sa Philippine Embassy, patuloy nilang minomonitor ang kalagayan ng mga pinoy na karamihan ay nakatira sa lungsod ng Kyiv na malayo sa eastern border ng Russia.
Nakikipag-ugnayan narin ang Philippine Embassy para sa repatriation o assistance ng mga Pinoy sa Ukraine sa pakikipagtulungan narin ng Honorary Consulate General ng Kyiv. —sa panulat ni Angelica Doctolero