Nais paimbestigahan ni Senador Joel Villanueva ang operasyon sa bansa ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Nais malaman ng senador kung mas malaki ang makukuhang benepisyo para sa Pilipinas kumpara sa disadvantage.
Batay sa mga report, halos nadoble ang renta sa mga bahay at condominiums nang dumating sa bansa ang maraming Chinese workers na nagta-trabaho sa POGO kaya’t marami sa mga call center agents na dating tumitira sa mga condominiums ang napipilitang umalis na lamang.
Sinabi ni Villanueva na kung ikukumpara, nasa halos kalahating milyong Pilipino ang nagta-trabaho sa call centers samantalang puro Chinese nationals ang sa POGO.
May sarili rin anyang financial system ang POGO kaya’t mahihirapan ang regulators na i-monitor kung nagagamit ito sa money laundering.